Tuesday, February 13, 2007

Pag-ibig Sa Dilim

Ang saya talaga ng buhay... Lalo na pagdating sa pag-ibig...

Nakakatuwang isipin na nagsasalita ako ng ganito, eh wala naman akong yung tinatawag nilang “love life”! Siguro, “crush”... Yun ang meron...

Pero paano kaya kung bigla ka na lang nagising isang umaga at napagtanto mo na, “Sandali lang. Mahal ko na ata c ‘crush’... Tama ba ito?”

Naku! Isang malaking gulo yan sa isipan. Simula na ang kalbaryo mo na pagdarasal na sana, siya rin may pagtingin sa iyo. Ang mga gabing hindi ka agad makatulog dahil siya ang laman ng isipan mo. Na hanggang sa dalawin ka na ni Antok, pinagdarasal mo na sana siya ang maging laman ng pelikulang panonoorin mo sa iyong panaginip. Pag nasa lugar ka naman na alam mo na nandun siya, hindi ka magkamayaw sa pagsilip sa anino niya. Kung andun ba siya sa tambayan niya o kumakain sa may yakisoba.

Ang hirap nga naman ma-inlove. Lalo na pag nagmamahal ka sa dilim. Patuloy kang mangangapa sa kawalan. At patuloy ka maghahanap ng ilaw ng pag-ibig. Malapit ka na rin maniwala kay Cupido. At ngayon ka na matututo hanapin siya sa kalangitan. Hindi ka noon naniniwala sa mga sinyales, pero ngayon, aba! Makita mo lang ang kabarkada niya, tumalon na sa 3rd floor ang puso mo. Sabi kasi ng radar mo, mukhang nasa paligid siya.

At ang tanging hawak lang ng puso mo ay ang mga bagay-bagay na nagpapaligaya sa iyo. Mga alaala na iniisp mong may magandang kahulugan. Mga nangyaring binigyan ng kilig factor ng utak mo. Ito ang mga tanging gabay mo sa sarili upang patuloy kang magmahal ng taong wala namang kaalam-alam na mahal mo na siya. Kabaliwan nga ba ito?

Nasasabi mo sa iba na “mahal ko na siya”. Pero anong nangyari? Kinilig lang sila para sa naramdaman mo. At tulad mo, umaasang sana siya rin, ganun ang nadadama para sa iyo. Pero hanggang SANA lang ata ang magiging bunga ng lahat ng mga pangarap ng puso...

Masakit pala ang umibig. Lalo na pag babae ka. Sa kultura kasi na nakagisnan natin, hindi uso ang babae ang nauuna magpahayag ng nararamdaman. Maliban na nga lang kung liberal ka talaga.

Pero sa karamihan masakit. Gumuguhit sa puso mo ang sugat ng SANA. Natututo magdasal para sa kanya kahit di mo talaga gawain ang mga ganung bagay. Na noon, pagpasa mo sa exam ang dinadaing sa taas.

Minsan nagmumukha kang tanga sa paghintay sa mga suntok sa buwan na text niya. Lalo na ngayong nagmahal ang unli ng Globe. Pucha. Globe ka, may Globe siya. Globe ka, may Smart din siya. Pero naka- All Text siya. Prepaid balance ng Globe niya Php 0.00! Ayos talaga!

Naisip mo din na sana laging kang may gagawin na kaek-ekan para ma-imbita mo siya. Dahil dun mo lang siya halos nakikita at nahawakan ng parang realidad talaga. Haay... Ang pagmamahal nga naman!

Ang saya pero masakit. Kasi nga, sana alam niya. Pero, naramdaman na kaya niya ang multo ng pag-ibig mo? O hindi pa? O baka naman kasi “you’re one of the boys” pa rin ang tingin niya sa iyo? Astig ka kasi eh. Lahat kaibigan mo. Lahat kaya mong sakyan ang trip.

Sana. Haay na mahaba. Sana ulit. At mas mahabang haaaaay. Yan na lang ang lagi mong masasambit. Ayun. Lakas na ng tama mo sa kanya.

Pano ba yan, nasabi ko na ang nasa loob ko. Masakit isipin pero guilty ako sa lahat ng nasulat ko. Lahat kasi yan nararamdaman ko. Tama ka, ako yung nangangapa sa dilim. Ako yung nagmamahal sa kawalan. Ako yung nasasaktan dahil nakukulong lang sa puso ko ang tunay kong nararamdaman. Ako yung di magkamayaw sa kakaisip sa kanya. Pero nasa katinuan pa naman ako. Naisip ko lang... Na baka sa pamamagitan nito, ang multo ko ang gumawa ng paraan upang magkamalay siya na mahal ko na siya.

Kaibigan, inaamin ko na talaga. Hindi ko alam kung pano nangyari. Pero ganun na talaga ang nararamdaman ko. Mahal ko na si *****. Yan ang masakit na totoo. =’c